Muling inilunsad ng Bureau of Fire Protection o BFP-NCR ang Taong Bahay Challenge nito.
Layon nito na himukin ang publiko na magsagawa ng produktibong aktibidad habang umiiral ang Enhanced Community Quarantine (ECQ).
Sa mga naunang Taong Bahay Challenge, ang hamon ay natuon sa pagpapatibay ng depensa ng mga tahanan laban sa sunog tulad ng pagpatay sa kandila bago matulog, pagsara ng LPG pagkatapos magluto at pagtanggal sa saksakan ng mga appliances na hindi ginagamit.
Ngayon naman, isinama na sa hamon ang mga simpleng hakbang sa pag-decontaminate ng mga bahay bilang ibayong pangangalaga sa sarili kontra COVID-19.
Hinihimok ang publiko na mag-post ng litrato o video na nagpapakita ng paraan ng paglilinis sa mga bagay na malimit nahahawakan sa loob ng bahay.
Kasama rin dito ang mga doable step sa preparasyon ng bleach solutions at tamang paghawak ng mga basic hazardous materials sa bahay.