Pinalilimita ni Senator Raffy Tulfo ang decriminalization o hindi pagturing na krimen sa libel para sa mga lehitimong miyembro ng media.
Sa ginanap na pagdinig sa Senate Committee on Public Information and Mass Media kaugnay sa paglaganap ng ‘fake news’, sinabi ni Tulfo na pinag-aaralan niya kasama ng kanyang legislative group ang pagbuo ng panukala para dito.
Pero ang decriminalization sa kasong libelo ay gagawing limitado lamang sa mga kasapi ng traditional media o iyong mga totoong journalist.
Paglilinaw ni Tulfo, hindi kasama sa pag-decriminalize ng libel ang mga walang accountability na gusto lang maging media, nagbukas lang ng channel sa internet at walang tigil na bumabanat na walang basehan para mag ‘attack and collect’ partikular sa mga pulitikong tinutuligsa.
Hindi tulad aniya sa mga miyembro ng traditional media na may ‘accountability’ dahil may mga editors at desks na sumasala sa mga lumalabas na artikulo at mga videos.
Kung magiging civil case na lang ang libel at walang maibabayad na multa ang nakasuhang mamamahayag ay maaaring kompanya nito ang panagutin sa kaso.
Inirekomenda ni Tulfo sa mga blogger at vlogger na magtayo ng sariling samahan at iparehistro sa Securities and Exchange Commission (SEC) para magkaroon ng self-policing at accountability ang sektor.