Iginiit ni dating Budget Secretary Florencio ‘Butch’ Abad na walang basehan ng pagrerekomenda ng Senate Blue Ribbon Committee na sampahan siya ng criminal charges.
Nabatid na sinabi ni Blue Ribbon Committee Chairperson Senator Richard Gordon na si Abad, dating Health Secretary at IloIlo Representative Janette Garin, dating PhilHealth President and CEO Alexander Padilla ay nag-divert ng P10.6 billion ng PhilHealth funds para sa pagtatayo ng barangay health centers at pagbili ng dental trucks.
Giit ni Gordon, ang pondo ay nakalaan sana para sa PhilHealth premiums para sa senior citizens.
Sa statement, iginiit ni Abad na walang katotohanan at kasinungalingan ang mga basehan ng mga kaso laban sa kaniya.
Tanong ni Abad, saan nanggaling ang P10.6 billion budget gayung wala ito sa 2015 General Appropriations Act (GAA).
Ang PhilHealth ay nag-apply para pondohan ang payment premiums ng mga senior citizen sa ilalim ng unprogrammed fund ng 2015 GAA.
Dagdag pa ni Abad, ang P9.39 billion ay inilabas para sa Health Facilities Enhancement Program para sa barangay health stations, rural at urban health centers at dental equipment na mula sa savings ng mga hindi na nagamit na personnel funds mula sa Miscellaneous Personnel Benefit Fund.
Hindi rin siya nabanggit sa 39-page executive summary ng committee report at hindi siya nabigyan ng pagkakataong ipaliwanag ang kaniyang panig.
Para kay Abad, ang paglalabas ng committee report ay malisyosyo para lituhin ang publiko at ilayo sa totoong kontrobersiya ng PhilHealth na dapat iniimbestigahan ni Gordon.