Nagpasalamat si dating Philippine National Police (PNP) Chief at senatorial candidate Guillermo Eleazar sa pagsuporta at pag-endorso sa kaniya ng Iglesia ni Cristo.
Ayon kay Eleazar, nakakalakas ng loob upang ibuhos ang lahat ng kaniyang makakaya sa kampanya lalo na’t bukod sa endorso ng INC ay bumubuhos din ang suporta ng iba’t ibang grupo sa kaniya upang makapasok siya sa Senado.
Dahil sa suporta ng taongbayan kay Eleazar, lumapit na ito sa top 12 sa latest senatorial surveys.
Naniniwala ang dating PNP at 2021 Civil Service Commission presidential lingkod bayan awardee na kapag pinagsama ang suporta ng INC at iba pang volunteers group ay malaki ang maitutulong nito para magkaroon ng siga––sipag at galing––sa Senado.
Kasabay nito, iginagalang naman ni Eleazar ang desisyon ng INC na hindi suportahan ang kandidatura ng kanilang presidential standard bearer.
Giit nito, lahat ng grupo, organisasyon, institusyon tulad ng simbahan at mga miyembro nito ay may karapatan na suportahan ang nais nitong kandidato.
Si Eleazar na nakatanggap ng Philippine Military Academy’s Cavalier Award ay isinusulong sa Senado ang apat na Ks: kapayapaan, kalusugan, kabuhayan, at kabataan.