Pinapahinto ng mga miyembro ng House Committees on Legislative Franchises at Good Government and Public Accountability ang pag-ere ng mga programa ng ABS-CBN sa channel 43 na makikita sa kanilang TV plus.
Sa virtual hearing para sa franchise renewal ng giant network, kinwestyon nila Cavite Rep. Jesus Crispin Remulla at Anakalusugan Partylist Rep. Mike Defensor ang National Telecommunications Commission (NTC) sa pagpayag na umere ang mga programa ng ABS-CBN sa Channel 43 ng digital box kung saan ang frequency na ito ay nakatalaga sa AMCARA Broadcasting na sister company ng ABS-CBN.
Ayon kay NTC Commissioner Gamaliel Cordoba, sumulat sila kaagad sa Office of the Solicitor General para humingi ng guidance matapos mapag-alaman na umeere ang mga programa ng ABS-CBN sa Channel 43 na kasama din sa mga channels na pinapahinto ang operasyon sa ilalim ng cease and desist order na inisyu sa network noong Mayo 5, 2020.
Natagalan lamang aniya ang kanilang pagtugon sa isyung ito dahil kanina lamang din umaga dumating ang rekomendasyon ng SolGen kung saaan pinapahinto na ng tuluyan ang pag-ere ng mga programa ng ABS-CBN sa Channel 43, gayundin ang patuloy na pag-ere ng nasabing channel.
Pero paliwanag ni ABS-CBN President and CEO Carlo Katigbak, nabigyan ng provisional authority ang AMCARA Broadcasting at sa hawak nilang kopya ng CDO ay hindi kasama ang channel 43 sa pinapahinto.
Bukod dito, ang kanilang pag-ere umano sa Channel 43 ay bunsod na rin ng blocktime arrangements na pinapayagan sa ilalim ng broadcasting.
Umalma naman si Defensor na ang pagpapabaya ng NTC na umere ang mga programa ng ABS-CBN Channel 2 na napaso na ay hindi na dapat pinapayagang maipalabas sa ibang frequencies.
Malinaw aniya na nanghihimasok at nilalabag ng NTC ang mandato ng Kamara sa pagbibigay ng prangkisa.
Samantala, nagbanta naman si Remulla na posibleng sampahan ng kaso sa Ombudsman ang NTC dahil sa iregularidad nito.