Nauwi sa habulan ang pag-escort ng pulisya sa isang motorista matapos itong makabangga ng isa pang kotse sa kahabaan ng national highway sa Barangay Quinavite, Bauang, La Union bandang 11:30 ng umaga noong Marso 14.
Ayon sa ulat, magkasunod na binabaybay ng dalawang sasakyan ang naturang kalsada patungong timog kung saan nasa unahan ang isang sedan na minamaneho ng isang 30-anyos na tauhan ng Coast Guard, habang sumusunod naman ang isang SUV na minamaneho ng isang 46-anyos na lalaki.
Pagdating sa lugar ng insidente, aksidenteng nabangga ng SUV ang likurang bahagi ng sedan.
Agad namang rumesponde ang mga tauhan ng Bauang PNP at ineskortan ang dalawang sasakyan patungo sa Bauang Police Station.
Gayunman, habang nasa biyahe ay biglang pinaharurot ng driver ng SUV ang kanyang sasakyan papalayo, dahilan upang habulin ito ng mga pulis.
Sa gitna ng habulan, pinara ng mga awtoridad ang SUV sa bayan ng Agoo ngunit nanatiling hindi kooperatibo ang driver at nagdulot pa umano ng panganib sa ibang motorista.
Dahil dito, pinaputukan ng mga pulis ang mga gulong sa harapang bahagi ng SUV upang mapahinto ito.
Wala namang naitalang nasugatan sa insidente ngunit kapwa nagtamo ng pinsala ang dalawang sasakyan na patuloy pang tinataya ang halaga ng pagkukumpuni.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Agoo Police Station ang driver ng SUV para sa kaukulang proseso ng batas. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










