PAG ESCORT SA MGA ILIGAL NA PINUTOL NA KAHOY WALANGKATOTOHANAN – ENRO CABACCAN

Cauayan City, Isabela – Mariing pinabulaanan ni Isabela Environmental and Natural Resources Officer (ENRO) Geronimo Cabaccan Jr. ang mga balitang mismong tauhan nila ang nagbibigay proteksiyon sa pagpuslit palabas ng mga iligal na pinutol na kahoy sa lalawigan ng Isabela.

Ayon kay Cabaccan sa panayam ng 98.5 iFm Cauayan, hindi nila kukunsintihin ang ganitong gawain. Sa katunayan ayon pa sa kanya, mula Enero ng taong kasalukuyan, umaabot sa 18,300 board feet na iligal na pinutol na kahoy ang nakumpiska nila. Kabilang sa mga ito ang Narra at common hard wood.

Nag ugat ang alegasyon sa isang sumbong na sinasamahan umano ng ilang tauhan ng ENRO ang mga naglalabas ng kahoy mula Brgy. Sindon Bayabo sa lungsod ng Ilagan. Paliwanag ng ENRO na madami silang nahuli sa mga lugar ng Bintacan at Abuan river sa City of Ilagan at ilang lugar na sakop ng San Mariani, Isabela kaya hindi totoong sila mismo ang nagbibigay proteksiyon sa iligal na gawaing ito. Paliwanag pa ni Cabaccan na nasa Isabela impounding area ang mga nakumpiskang punong kahoy. Hinihintay umano nila ang Deed of Donation mula sa DENR para maipamahagi ang mga ito sa mga nangangailangang ahensiya ng pamahalaan.


Ilan sa mga nakumpiskang iligal na pinutol na kahoy ay nai donate na sa ilang paaralan ng Benito Soliven, Isabela at ang ilan ay ginawa nang upuan para sa mga estudiyante sa lalawigan.

Sa gitna ng COVID 19 pandemic, ayon kay Cabaccan ay tuloy tuloy ang monitoring ng binuong Environmental Protection Task Force. Sila umano ang tumutugon sa mga sumbong ng nitezens at pinupuntahan nila ito ng personal. Batay sa datos, ipinagmalaki ni Cabaccan na malaki ang naibawas na kaso ng illegal logging sa lalawigan ng Isabela.

Facebook Comments