Hindi magiging polisiya ng Pilipinas ang pag-export ng labor sa ibang bansa sakaling maging batas ang panukalang pagtatayo ng Department of Migrant Workers and Overseas Filipinos o DMWOF.
Tiniyak ni Committee on Labor Chairman Senator Joel Villanueva na ang isa sa pangunahing layunin ng pagtatayo ng DMWOF ay ang paglikha ng trabaho sa loob ng bansa.
Naniniwala si Villanueva na hindi naman makikipagsapalaran ang mga Pilipino sa ibayong dagat kung may magandang oportunidad para sa kanila dito.
Binanggit ni Villanueva na isa pang mahalagang probisyon ng panukala ay ang tungkol sa “reintegration” ng mga OFW pagbalik nila sa bansa, lalo na kung marami nang trabahong naghihintay sa kanila dito.
Ngunit habang wala pa sa punto ang bansa na marami nang mapapasukang trabaho rito, sinabi ni Villanueva na magsisilbing one-stop-shop ang DMWOF para sa mga OFW at mga Pilipinong kailangan ng repatriation o may emergency sa ibang bansa.
Diin pa ni Villanueva, may mandatory review ang oversight committee ng Kongreso sa sitwasyon ng paggawa sa bansa 10 taon matapos maitayo ang DMWOF para malaman kung kailangan pa ng serbisyo ng kagawaran.