Pag-“flagged” ng mga government transaction, itinuro ng COA sa media

Itinuro ni Commission on Audit (COA) Chairman Mike Aguinaldo sa media ang “flagging” ng mga transaksyon sa gobyerno kasunod na rin ng isyu sa P67.32 billion deficiency sa COVID-19 response ng Department of Health (DOH).

Matatandaang kinastigo ni Pangulong Rodrigo Duterte ang COA at sinabihan na ihinto ang “flagging” nito sa mga government transaction at pagsasapubliko ng mga report dahil nababahiran ng korapsyon ang mga ahensya ng gobyerno.

Sa congressional briefing sa House Committee on Public Accounts, naitanong ni Bayan Muna Partylist Rep. Carlos Isagani Zarate ang pagtanggap ng COA sa naging utos ni Pangulong Duterte.


Ayon kay Aguinaldo, sa media nanggaling ang terminong “flagged” o “flagging” at kung susuriin ay positibo pa nga ang kanilang mga obserbasyon.

Itinanggi rin ng COA chair na naglalabas sila ng press release ng result ng audit report.

Nauunawaan umano niya ang concern ng pangulo sa inilalabas na report ng COA ngunit bahagi aniya ng kanilang “constitutional mandate” ang magsagawa ng audit report.

Tuloy din aniya ang kanilang trabaho sa COA kasabay ng pagtiyak sa publiko na maayos nilang ginagawa ang mga audit report, at maaari itong makita sa COA website na isa sa nire-require ng batas.

Facebook Comments