Iginiit ni Pinuno Party-list Representative Howard Guintu sa Home Development Mutual Fund o kilala bilang Pag-IBIG Fund at National Housing Authority o NHA at iba pang kaukulang ahensya ng pamahalaan na maglagay ng roving offices sa mga lugar na tinamaan ng lindol.
Layunin ng mungkahi ni Guintu na mapabilis ang pagtulong sa mga biktima ng lindol sa mga residente na nasira ang bahay dahil sa magnitude 7 na lindol noong July 27.
Paliwanag ni Guintu, isa sa mga pinaka-naapektuhan kapag may lindol ay mga bahay, at tiyak na abala pa sa mga biktima ng kalamidad ang pagproseso at pagsasaayos ng mga pinsala sa kani-kanilang bahay.
Kaya naman giit ni Guintu, sana ay maging pro-active o maagap ang Pag-IBIG Fund, at sila na mismo ang lumapit sa mga apektadong residente upang mas madali para sa kanila ang pagkuha ng benepisyo gaya ng “calamity loan.”
Umaapela rin si Guintu sa NHA na agad na mag-alok ng Emergency Housing Assistance Program o EHAP sa mga biktima ng lindol.
Umaasa si Guintu na may budget ang NHA para sa EHAP at agad na ilabas o ipamahagi dahil malaking tulong ito sa mga pamilyang nasiraan ng bahay.
Sa ilalim ng EHAP, ang NHA ay maaaring magbigay ng pinansyal na tulong na hanggang ₱30,000 kada pamilya, depende sa assessment sa napinsalang bahay.