Iniulat ng Pag-IBIG Fund ang naipalabas nitong 58.52 billion pesos na pautang sa pabahay para sa mga miyembro nito mula Enero hanggang Agosto ng taong ito.
Ito ang kinumpirma ni Sec. Eduardo del Rosario ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD), na siya ring chairman ng 11-member Pag-IBIG Fund board of trustees.
Ayon kay Sec. Del Rosario, kabuuang 57,235 na mga miyembro ng Pag-IBIG Fund ang natulungan ng programa na matupad ang kanilang mga pangarap na magkaroon ng sariling bahay.
Kinumpirma rin ng kalihim na ang 58.52-billion pesos na pondong pinalabas ng Pag-IBIG Fund para sa housing loans ay mas mataas ng 96% sa 29.9 billion pesos na naitala sa nakalipas na taon.
Aniya, malaking bagay ito para makatulong sa mabilis na pagbangon ng ekonomiya ng Pilipinas sa gitna ng pandemya.
Bukod dito, nakapagtala rin ang Pag-IBIG Fund ng 17.73-billion pesos na members’ savings sa ilalim ng voluntary modified Pag-IBIG 2 o mp2.
Ito ay mas mataas ng 33% sa kanilang target para sa unang walong buwan ng taong kasalukuyan.