Plano ng Home Development Mutual Fund (HDMF) o Pag-IBIG na itaas ang kontribusyon ng kanilang mga miyembro.
Ayon kay Pag-IBIG President at Chief Executive Officer Acmad Moti, mula 1986 ay napako na sa P100 kada buwan ang kontribusyon ng mga miyembro kaya aapela sila na itaas ito sa P150 o P200 na tatapatan din ng employer.
Aniya, balak nilang itaas ang kontribusyon kung patuloy na lumagpas ng 10 porsiyento ang dagdag sa pautang.
Mas mabilis daw kasi ang paglaki ng pautang sa mababang interes kaysa paglaki ng kontribusyon ng miyembro.
Sabi naman ni Associated Labor Unions-Trade Union Congress of the Philippines (ALU-TUCP) spokesperson Alan Tanjusay, handa silang pakinggan ang paliwanag ng Pag-IBIG pero hindi pa ito uubrang ipatupad ngayong taon.
Paglilinaw naman ni Moti, kung maaaprubahan, sa 2021 pa nila ipapatupad ang dagdag kontribusyon.
Pagtitiyak ni Moti, ang pagtaas ng kontribusyon ay magreresulta rin sa paglaki ng puwedeng utangin at lalaki ang perang maiipon ng miyembro.