Cauayan City, Isabela- Pupulungin ng mga awtoridad ang mga tricycle driver’s association upang maiwasan at maaksyunan ang sanhi ng matinding daloy ng trapiko sa ilang lugar sa bayan ng Cabagan, Isabela.
Ito ay harap pa rin ng ipinapatupad na road clearing operations na mandato ng Department of Interior and Local Government (DILG) sa mga LGUs.
Sa panayam ng iFM Cauayan kay PLT. Catherine Bañares, PCAD officer ng PNP Cabagan, maayos naman ang tugon dito ng mga mamamayan sa kanilang ginawang pagsasaayos sa mga panindang lumagpas na sa mga daanan ng tao.
Partikular na nag-ikot ang pwersa ng pulisya, mga kawani ng LGU at BFP Cabagan sa Market Road ng Cabagan Aquare Park at sa ilan pang barangay.
Sinisiguro naman ng mga awtoridad na napapanatili pa rin ang minimum health standard para makaiwas sa banta ng COVID-19.
Umaasa naman ang PNP Cabagan na mapapaluwag ang mga lugar na pinagmumulan ng mahigpit na daloy ng trapiko sa naturang bayan.