Manila, Philippines – Siyamnapu’t dalawang (92) araw bago ang halalan, sinimulan na ng Commission on Elections (COMELEC) ang pag-iimprenta ng mga balota para sa 2019 midterm elections.
Ayon kay COMELEC Spokesman James Jimenez – nasa 64 na milyong mga balota ang dapat na maimprenta ng National Printing Office (NPO) sa Quezon City hanggang sa April 25.
Target aniya ng npo na makapag-imprenta ng isang milyong balota kada araw.
Uunahing i-imprenta ay ang mga ipapadala sa Overseas Absentee Voting (OAV) at sa malalayong voting precincts sa bansa habang pinakahuling isasalang ay ang mga balotang gagamitin sa Metro Manila.
Pasok na rin sa pag-imprenta ang 64 na senatorial candidates at 134 na mga partylists gayundin ang mga kandidatong may kinakaharap na kasong disqualification.
Sa mga susunod na araw, sisimulan na rin ng comelec ang bidding para sa printing services ng Election Day Computerized Voters List (EDCVL).
Nauna nang nai-turn over ng COMELEC ang source codes sa escrow ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na siyang ginagamit sa automated election system.
Ito ay alinsunod sa republic act 9369 o ang election automation law.
Habang sa Martes ay simula na ng kampanya ng mga kandidato sa national positions.