Inutos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang phytosanitary inspection sa mga smuggled na sibuyas para matiyak na ito ay ligtas ihalo sa ilulutong pagkain bago makarating sa mga palengke.
Ayon kay Presidential Communication Office Secretary Atty. Cheloy Garafil, ang utos ay ginawa ng pangulo sa ginanap na Cabinet meeting kanina sa Malakanyang.
Giit ng pangulo, kailangang ma-check nang mabuti ang mga smuggled sibuyas na ito para makaiwas sa transboundary diseases.
Batay kasi aniya sa mga nakaraang inspeksyon ay may mga smuggled sibuyas na hindi maaring ibenta sa palengke.
Sa ngayon umabot na sa 700 kada kilo ang presyo ng sibuyas dahil ayon sa mga awtoridad, marami ng mga negosyante ang nag-hoard nito para mas maibenta sa mas mataas na presyo.
Sa ulat ng Bureau of Customs (BOC) as of December 28, 2022, mayroon pang 500 container vans ng mga smuggled agricultural item ang nananatili pa ngayon sa mga pantalan na kanilang nakumpiska.
Plano ng BOC na pagkatapos ng phytosanitary inspections sa mga agricultural product kabilang ang sibuyas, ito ay ido-donate sa Kadiwa Stores.