Santiago City, Isabela- Legal na at hindi mailarawan ang tamis na ngiti ng walumpu’t walong pares (88) na mga ikinasal sa ginanap na Kasalang Bayan kahapon, Pebrero 27, 2018 sa bulwagan ng San Andres, Santiago City, Isabela.
Ang naganap na kasalan ay may Temang “Napapanahong CRVS” o Civil Registration and Vital Statistics na pinangunahan ni City Mayor Joseph Salvador Tan bilang Solemnizing Officer.
Sa pakikipanayam ng RMN Cauayan News Team kay Antonio C. Carreon, head ng City Civil Registar, hinikayat nila ang bawat barangay na nasasakupan ng kanilang lungsod kasama ang LGU upang makibahagi sa kanilang programa lalo na at marami sa kanilang lungsod ang nagsasama nang hindi pa kasal.
Aniya, dumaan sa proseso at pagsasala ang lahat ng mga aplikante para sa kasalang bayan at mula sa mahigit isang daang aplikante ay nasa 88 lamang ang kwalipikado sa kanilang batayan na kung saan nasa edad singkweta anyos na lalaki ang pinakamatandang ikinasal at nasa disi otso anyos naman sa babae ang pinaka-batang ikinasal kahapon.
Ayon pa kay City Registrar Carreon, Sagot lahat ng kanilang pamahalaang lungsod ang nagastos sa idinaos na Kasalang Bayan.
Samantala, pinabaunan naman nina PSO Romeo Simeon Sr. at 4th District Engr. Marlon S. Martin ang 88 na bagong kasal ng “ROSE” at “LRT” na kung saan dapat taglayin ng mag-asawa ang pagkakaroon ng R-espeto, O-penness, S-acrifice, E-mpathy ni PSO Simeon at L-ove, R-espect and T-rust naman ang pabaon ni Engr. Martin para sa mas matatag at habang buhay na samahan ng mag-asawa.
Payo naman ni Mayor Tan sa mga bagong kasal na ayusin agad ang kanilang away at huwag nang lagyan ng password ang kanilang Cellphone upang maiwasan ang pagdududa ni mister o misis na isa sa mga sanhi ng away mag-asawa.