Pag-iisyu ng 10-year validity Driver’s License ng LTO Region 2, Sisimulan ngayong Araw

Cauayan City,Isabela- Ipatutupad na ngayong araw, Nobyembre 16, 2021 ang pag-iisyu ng 10-taong validity ng driver’s license sa Cagayan Valley.

Alinsunod ito sa Republic Act 10930 o ang Law on the Rationalization and Strengthening of the Issuance of Drivers’ License.

Ayon kay LTO-RO2 Regional Director Sergio A. Sales, ang mga aplikante ay may opsyon na i-secure ang kanilang lisensya sa loob ng limang taon o 10 taon basta’t hindi ito nakagawa ng anumang paglabag sa RA 4136 at iba pang batas trapiko, mga patakaran at mga regulasyon sa loob ng limang taon bago ang aplikasyon para sa pag-renew.


Aniya, ang anumang aplikasyon ukol dito ay may kaukulang bayad na P585, mas mababa sa unang sinisingil ng kanilang tanggapan.

Aniya, sa ilalim ng Section 3 ng RA 10930, ang lahat ng aplikante na mag-a-apply para sa parehong mga bagong lisensya, non-professional at professional, at pati na rin ang renewal ay dapat sumunod muna sa lahat ng mga kinakailangan gaya ng limang oras na CDE program na maaaring ma-access sa portal.lto.gov.ph.

Samantala, sinabi ni LTO-2 Assistant Regional Director Manuel C. Baricaua na lahat ng service center ng LTO region-wide ay gumagamit ng Land Transportation Management System (LTMS) na may kakayahang mag-isyu ng nasabing mga lisensya.

Ang CDE Online Validation Examination ay binubuo ng 25 tanong na may passing rate na 50 porsyento o hindi bababa sa 13 tamang sagot upang ma-download ang certificate. Walang limitasyon sa pagkuha ng pagsusulit kung ang mga aplikante ay nabigo dati.

Dagdag pa ni Sales, ang mga lisensyang nag-expire na simula Oktubre 21 hanggang Disyembre 31 ay binibigyan ng dalawang buwang extension hanggang Pebrero 2022 upang matugunan ang mga kinakailangan ng CDE kasama ang online exam.

Facebook Comments