Suportado ng Quezon City Government ang imbestigasyon ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa natuklasang iregularidad ng pamamahagi ng cash assistance sa ikalawang distrito ng lungsod ng Quezon.
Kasunod ito ng implementasyon ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) program.
Ayon kay Mayor Joy Belmonte, dapat mapanagot ang utak sa likod ng panlolokong ito sa mga residente.
Nabatid na agad inatasan ni Labor Secretary Silvestre Bello III si DOLE National Capital Region Director Sara Buena Mirasol na imbestigahan ang reklamo ng ilang benepisyaryo mula sa Barangay Holy Spirit sa halip na makakatanggap ng P7,518 bawat isa ay binigyan lamang sila ng P2,000.
Sabi pa ni Belmonte na bukod sa DOLE, mag-iimbestiga rin sa kaso ang Presidential Anti-Graft Commission, Presidential Anti-Corruption Commission at Commission on Audit.