Pag-imbestiga sa higit 300 mambabatas, uubusin lang ang panahon ni Pangulong Duterte – Palasyo

Iginiit ng Malacañang na wala ng ibang gagawin si Pangulong Rodrigo Duterte sakaling ikasa ang imbestigasyon sa mga tiwaling kongresista.

Matatandaang tumanggi si Pangulong Duterte na isiwalat ang pangalan ng mga mambabatas na kumukubra ng pera mula sa project contractors at iginiit na wala siyang hurisdiksyon sa lehislatura.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, maliban sa paggalang sa separation of powers sa mga sangay ng gobyerno, naniniwala ang Pangulo na dapat ipaubaya na lamang sa Office of the Ombudsman ang imbestigasyon.


Kaugnay nito, nilinaw ni Roque na walang pinoprotektahang kongresista ang Pangulo at sadyang mahirap patunayan ang mga alegasyong tumatanggap ng kickback ang ilang mambabatas sa infrastructure projects sa kanilang mga bayan.

Samantala, dumipensa rin ang Palasyo sa pagsasapubliko ni Pangulong Duterte sa pangalan ng mga kawani ng gobyerno na nasasangkot sa korapsyon.

Ani Roque, ang mga opisyal ay nasuspinde o na-dismiss sa iba’t ibang paglabag at sakop ng executive branch kaya may karapatan ang Pangulo na banggitin ang kanilang mga pangalan.

Facebook Comments