Pag-imbita ng mga artista o entertainment personalities sa kampanya, ipagbabawal na

Para maiwasan ang mass gathering ngayong may COVID-19 pandemic, inihirit ni Iloilo Rep. Lorenz Defensor sa Commission on Elections (Comelec) na ipagbawal na ang pag-imbita ng mga artista, singers at iba pang entertainment personalities sa kampanya ng mga kandidato sa halalan sa 2022.

Binanggit ng Comelec sa ginanap na pagdinig ng House Committee on Suffrage and Electoral Reforms (HCSER) na sa draft manual sa “new normal” na eleksyon ay aabot lamang sa 10% ang kapasidad sa mga venue o lugar kung saan gaganapin ang campaign rally.

Pero umapela si Defensor sa Comelec na para talagang maiwasan ang pagdagsa ng mga tao sa venue ng mga campaign rallies ay iwasan na ang pasayaw at pakanta ng mga kilalang personalidad sa entertainment industry.


Ito kasi aniya ang isa sa mga dahilan na karaniwang pinupuntahan ng mga tao ay para makita rin ang mga iniidolo.

Tiniyak naman ni Comelec Commissioner Antonio Kho Jr., na pag-aaralan ng poll body ang suhestyon na huwag nang mag-imbita ng mga artista at mula sa music industry sa kampanya at maisama sa manual sa Eleksyon 2022.

Facebook Comments