Cauayan City, Isabela- Naging tahimik ang sitwasyon ng Lungsod ng Cauayan nitong mga nagdaang araw dahil sa maigting na pagbabantay ng mga kapulisan dito sa lungsod.
Sa naging panayam ng RMN Cauayan kay Police Chief Inspector Benigno Asuncion, ang Deputy Chief ng PNP Cauayan City, maigting na nilang isinasagawa ang Oplan Tambay lalo na sa mga lansangan na nasasakupan ng lungsod.
Aniya, sa kanilang pag-iikot ay marami pa rin umanong mga tumatambay at nag-iinuman sa mga lansangan kaya’t kanilang pinagsasabihan ang mga ito hinggil sa kanilang iniimplimenta.
Mabibigyan rin umano ng warning ang mga mahuhuling tumatambay at kung nasita pa ang mga ito sa pangalawang pagkakataon ay tuluyan ng huhuliin ng kapulisan ang mga ito.
Ayon pa kay Deputy Chief Asuncion na iniiwasan din umano nila na magkaroon ng Paglabag ang kapulisan sa kanilang iniimplimentang Oplan Tambay dahil maaari umanong gumanti ang ibang mamamayan na ayaw sumunod sa isinasagawang Oplan Tambay ng mga kapulisan.
Samantala, sa kanilang patuloy na pagsasagawa ng Oplan Bakal-Sita ay wala pa umano silang nahuhuli na lumalabag sa naturang operasyon kaya’t kanilang hinihiling ang patuloy na kooperasyon at suporta ng taumbayan upang mapanatili ang kaayusan dito sa lungsod ng Cauayan.