Pinapayagan ang sinumang senador na mag-inhibit sakaling iakyat na ang reklamo at simulan na ang impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte sa Senado.
Ayon kay Senate President Chiz Escudero, karapatan ng sinuman ang mag-inhibit bilang hukom sa impeachment pero ito ay dapat gawin nang boluntaryo.
Hindi aniya ito pwedeng pagpasyahan ng mayorya ng impeachment court kundi mismong ang senador lang na kusang mag-iinhibit sa impeachment process.
Ganito rin aniya ang ginagawa ng mga collegial court tulad ng Commission on Elections (COMELEC), Sandiganbayan, Court of Appeals, at Korte Suprema kung saan kapag may pinapa-inhibit na mahistrado ay maghahain lang ng mosyon ang Korte pero dapat ito ay personal na desisyon ng judge na mag-inhibit sa trial.
Matatandaang ilan sa mga senador tulad ni Senator Bato dela Rosa at Senator Bong Go ang kilalang mga kaalyado ng dating Duterte administration.