Pinabulaanan ng Department of Health (DOH) ang mga kumakalat na post sa social media kaugnay sa mga gamot pangontra sa 2019 novel coronavirus – acute respiratory disease.
Ito ay matapos maglipana ang mga text at post na nakakagamot sa nasabing sakit ang pag-inom ng mangkok ng tubig mula sa tinadtad at pinakuluang bawang.
Mas matindi ang isa pang post kung saan kayang gamutin ang n-CoV ARD sa pamamagitan ng pag-inom ng bleach.
Ayon kay Health Undersecretary Eric Domingo – fake news ang mga ito at huwag agad basta-basta maniwala.
Igiinit din ni Domingo – wala pang gamot o bakuna para sa n-CoV ARD.
Aniya, nakakalason at nakakamatay ang pag-inom ng bleach kaya huwag itong gagawin.
Bukod dito, hindi rin solusyon kontra n-CoV ARD ang pagmumog ng tubig na may asin.
Nakakatulong lamang ang saline gargle sa sore throat.