Tuguegarao City, Cagayan – Patuloy ang isinasagawang pagsisiyasat ng pamunuan ng National Meat Inspection Service RO2 (NMIS) Tuguegarao City, Cagayan sa mga slaughter house sa buong rehiyon.
Ito ang ibinahaging impormasyon ni Regional Director Orlando Ongsoto ng NMIS sa eksklusibong panayam ng RMN Cauayan sa kanya.
Aniya, sinusuri din nila ang mga ibinibigay na permit sa mga pwesto na nagbebenta ng mga karne at kanilang tinitiyak kung tama ang ginagawang proseso.
Kaugnay nito, sa kanilang pag-iikot noong nakaraang buwan ay may nakumpiska sila na mga karne ng manok na hindi dumaan sa isang legitimate na dressing plant.
Paliwanag ni RD Ongsoto, hindi dapat sa mga kanya-kanyang pwesto kinakatay ang mga karne kundi sa mga nakatalagang slaughter house upang matiyak na malinis at ligtas ang mga ibinebenta.
Napakadelikado anya na ibenta ang mga ito na hindi malaman kung may sakit o wala ang isang hayop na kinatay na hindi dumaan sa pagsisiyasat dahil may malaking multa para sa mahuhuli at kasamang kulong.
Maging imported o lokal na karne ay kanilang iniinspeksyon na layong makita kung kumpleto ang mga dokumento ng mga ito para sa seguridad ng mga mamimili at kabilang rin ang mga poultry house at pagkatay sa karne ng aso.
Samanta, wala namang kahina-hinala o naitatalang nagbebenta ng mga double dead na mga karne sa rehiyon batay sa kanilang pag-iikot.
Umaasa naman si RD Ongsoto na sa susunod na kanilang paginspeksyon ay wala na umanong makumpiskang karne.