Kinontra ni Department of Justice (DOJ) Secretary Menardo Guevarra ang interogasyon ng mga otoridad sa organizers ng community pantry.
Ayon kay Guevarra, hindi tamang isailalim sa interogasyon ang organizers ng nasabing proyekto kung wala naman itong ginagawang paglabag sa batas.
Kung boluntaryo naman aniya itong ginagawa o pagkakawang-gawa, ay dapat hayaan na lamang ng mga otoridad.
Tumanggi naman ang kalihim na magkomento sa isyu ng profiling sa organizers ng community pantry dahil posible aniyang ma-prejudge niya ito sakaling makarating sa DOJ ang usapin.
Sa sinasabing profiling kung saan binigyan ng forms ang organizers ng mga community pantry, naniniwala si Sec. Guevarra na walang obligasyon ang mga organizer na sagutan ang naturang mga forms.
Una nang kumalat sa social media ang mga larawan ng sinasahing profiling ng mga pulis sa mga nag-organisa ng community pantry kung saan hinihingi ang mga impormasyon kung sino ang nagpasimula ng mga ito at kung saan o kaninong organisasyon sila kabilang.
Sa Maginhwa, Quezon City kung saan nagsimula ang community pantry, nagdeisyon ang nagpasimula nito na si Ana Patricia Non na itigil na muna pansamantala ang kanilang community pantry dahil sa isyu ng red-tagging at para na rin anya sa kaligtasan nila at ng kanilang mga volunteers.