Pag-iwas ng COA na silipin ang mga reklamong may kinalaman sa halalan, suportado ng isang kongresista

Suportado ni House Committee on Public Accounts Chairman at Probinsyano Ako Partylist Rep. Jose “Bonito” Singson Jr., ang desisyon ng Commission on Audit (COA) na ipagpapaliban ang paglikha ng fraud and special audit teams para sa mga reklamo laban sa mga kandidato sa 2022 elections.

Kaugnay ito ng inisyung Resolution No. 2021-024 ng COA na nagsususpinde sa paglalabas ng desisyon para sa lahat ng mga reklamo sa mga kandidato at Partylist nominee sa susunod na halalan.

Ayon kay Singson, sa pag-i-isyu ng COA ng resolusyon ay maiiwasang maakusahan ang komisyon ng panghihimasok at pakikiaalam sa politika dahil lamang sa desisyon ng pagpabor o pagtutol sa isang grupo o partido ng kakandidato sa eleksyon.


Dapat lamang aniyang papurihan ang COA sa ipinamalas nitong disiplina at pagiging patas.

Hiniling naman ni Singson na ang desisyon ng mga auditor na huwag makialam sa mga reklamo sa mga kandidato ay hindi dapat ma-misinterpret na umiiwas sa pagtupad ng tungkulin na matiyak ang transparency at integrity pagdating sa mga usapin at kasunduang pinansyal sa pagitan ng pamahalaan.

Sang-ayon aniya siya na mahalagang maihiwalay ng COA ang sarili sa politika at partisanship.

Dagdag pa ng kongresista, maaaring ipagpatuloy pa rin ng COA ang pagbuo ng fraud and special audit teams pagkatapos ng May 9, 2022 polls.

Facebook Comments