Pag-leave ng ilang opisyal ng PhilHealth, ikinalugod ng Malacañang

Malugod na tinanggap ng Malacañang ang desisyon ng ilang opisyal ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na pansamantalang bakantehin ang kanilang puwesto at paglagda sa bank secrecy waivers sa gitna ng imbestigasyon ng umano’y anomalya sa ahensya.

Nabatid na naghain ng leave of absence sina PhilHealth President Ricardo Morales at ang anim na regional vice presidents ng ahensya at nasa 14 na opisyal ang pumirma ng waiver para payagan ang Anti-Money Laundering Council (AMLC) na silipin ang kanilang bank accounts.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, ang ginawa nilang hakbang ay makabubuti para sa kanila at ikakabuti ng bansa.


Una nang sinabi ng nagbitiw na Anti-Fraud officer na si Thorsson Montes Keith na kumubra ng aabot sa 15 bilyong piso ang ‘mafia’ na binubuo ng executive committee sa pamamagitan ng fraudulent schemes, kabilang ang Interim Reimbursement Mechanism (IRM) o cash advances sa mga ospital at healthcare facilities, bagay na itinanggi ng PhilHealth.

Ang ahensya at mga opisyal na ito ay iniimbestigahan din hinggil sa biniling overpriced information technology system na nagkakahalaga ng P2 bilyon.

Facebook Comments