Sa pagdinig ng Senate Committee of the Whole ay kinuwestyon ng mga senador kung bakit imo-monopolize ng national government ang pagbili ng bakuna laban sa COVID-19.
Hiling ng mga senador, payagan ang mga Local Government Units (LGUs) at pribadong sektor na direktang bumili ng bakuna para makabawas din sa gastos ng pamahalaan.
Binanggit pa ni Senator Cynthia Villar, lumapit na ang AstraZeneca at Moderna sa LGUs at pribadong sektor.
Pinuna rin ni Senator Villar kung bakit mabagal ng pag-iisyu ng Emergency Use Authority (EUA) sa bakuna gayung ginagamit na ito ng mayayamang bansa tulad sa Amerika at United Kingdom.
Giit ni Senate President Pro Tempore Ralph Recto at Senate Minority Leader Franklin Drilon, dapat alisin ang hadlang sa pagbili ng pribadong sektor ng bakuna direkta sa vaccine manufacturers.
Ipinaliwanag naman ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri na mas makakamit agad ang tagumpay ng vaccination program kung papahintulutan din ang pribadong sektor.
Inihalimbawa ni Zubiri ang COVID-19 testing na bumilis ang resulta at dumami ang na-accommodate nang pinayagan ding magsagawa nito ang pribadong mga ospital at iba pang health facilities.
Paliwanag naman ni Food and Drug Administration o FDA Director General Eric Domingo, tanging EUA lang ang maibibigay sa mga COVID-19 vaccine kaya kailangan itong dumaan sa national government.
Dagdag pa ni Domingo, sa pangkaraniwang proseso ay umaabot ng halos pitong taon bago makabili ng bakuna at makakakuha lang din ang pharmaceutical companies ng certificate of product registration o marketing authorization kapag nakumpleto na ang lahat ng trials.
Ayon kay Domingo, dahil nasa kalagitnaan pa lang ng Phase 3 trial ang mga bakuna laban sa COVID-19 ay tanging gobyerno lang ang aako sa responsibilidad sa kakahinatnan sa paggamit nito.