Para kay Senator Francis Tolentino, makabubuting huwag ng mag-organisa ang Commission on Elections o COMELEC ng debate at public interview sa mga kandidato sa eleksyon.
Giit ni Tolentino, mas mainam na pagtuunan na lang ng COMELEC ang tunay nitong tungkulin na tiyakin ang maayos at malinis na halalan.
Pangunahing tinukoy ni Tolentino na trabaho ng COMELEC ang paghahanda ng mga balota, teknolohiya at iba pang gagamitin sa eleksyon, hanggang sa pagdaraos ng botohan at bilangan, at hanggang sa proklamasyon ng mga mananalo sa eleksyon.
Nauunawaan ni Tolentino na maaring hangad ng COMELEC na mabigyan ng edukasyon ang mga botante ukol sa mga kandidato pero kanyang iginiit na pwede na itong ipaubaya sa media o sa pribadong sektor.
Pinagpapaliwanag din ng husto ni Tolentino ang COMELEC hinggil sa kontratang pinasok nito sa pribadong kumpanya na Impact Hub Manila na binayaran ng 15.3 million pesos.
Para ito sa pag-organisa ng mga presidential at vice presidential debate na ang ikalawang yugto ay hindi na natuloy dahil hindi umano nabayaran ng kompanya ang hotel na pinagdausan ng unang debate.