Manila, Philippines – Iginiit ng Commission on Elections (Comelec) na malabo silang makapag-organisa ng debate sa pagitan ng mga kumakandidato sa pagkasenador ngayong 2019 midterm elections.
Sa isang panayam kay Comelec Chairperson Sheriff Abas – nahihirapan ang poll body sa pagbuo ng debate dahil sa maraming bilang ng mga kandidato at limitadong oras.
Sinabi naman ni Abas na suportado nila ang mga debateng ino-organisa ng mga media networks subalit hindi ito ang official debate ng Comelec.
Una nang sinabi ni Comelec Commissioner Rowena Guanzon na dapat iiwan na lamang sa mga pribadong institusyon tulad ng mga unibersidad at media organizations ang pagsasagawa ng debate.
Sa ngayon, patuloy na pinag-aaralan ng Comelec ang hiling ng Otso Diretso ng opposition coalition na mag-organisa ng debate sa pagitan nila at ng Hugpong ng Pagbabago (HNP).