Binuksan na ang kauna-unahang Qatar Visa Center sa bansa para mapabilis ang proseso sa sinumang Filipino na nais magtrabaho sa Qatar.
Nabatid kasi na magastos at aksaya sa oras ang pagpo-proseso ng visa patungong Qatar kung saan sa Qatar din isinasagawa ang iba pang dokumento bago makapag-trabaho.
Pero ngayon, sa pagbubukas ng Qatar Visa Center sa Pilipinas, dito na gagawin ang lahat ng proseso kabilang na ang biometrics at mandatory medical test.
Maging ang pag-asikaso ng kontrata ay maaari na din isagawa dito kapag naaprubahan na ang visa ng isang manggagawa at ang employer ang siyang bahala sa lahat ng gastusin.
Ang Qatar Visa Center ay direktang pinangangasiwaan ng Qatar Government kung saan mismong si Qatar Ambassador to the Philippines Ali Ibrahim Al-Malki ang pormal na nagbukas nito.
Kaya nilang i-accommodate ang nasa 350 applicants sa loob ng isang araw at bukas ang Qatar Visa Center mula Lunes hanggang Biyernes, alas-8:30 ng umaga hanggang alas-4:30 ng hapon na matatagpuan sa NU Mall of Asia Building, Coral Way Street, MOA Complex, Pasay City.