Pag-regulate sa vape, e-cigarettes at iba pang electronic nicotine at non-nicotine delivery systems, pasado na sa komite

Inaprubahan na sa committee level ang pag-regulate sa paggawa, pagbebenta at distribusyon ng vapes, e-cigarette at iba pang Electronic Nicotine at Non-Nicotine Delivery Systems (ENDS/ENNDS).

Naniniwala si Committee on Trade and Industry Chairman Wes Gatchalian na ang pag-apruba ng komite sa panukala ay magiging daan upang mapababa ang paglaganap ng iligal na pagbebenta sa mga menor de edad ng ENNDS at mga Heated Tobacco Products (HTPs) kahit pa nasa gitna tayo ng pandemic.

Paglilinaw naman ni Gatchalian, hindi ipagbabawal ang pagbebenta ng mga nabanggit na sin products kundi ito ay pag-re-regulate lamang.


Sa ilalim ng panukala, ang mga nasa 18 taong gulang pataas lamang ang papayagan na makabili, magbenta at gumamit ng ENDS/ENNDS at HTP.

Lilimitahan din ang “flavors” ng vape na sinasabing nakakahikayat sa mga kabataan.

Tinitiyak din ng panukala na ang mga lalagyan ng e-cigarettes ay child-resistant, tamper-resistant, at protektado laban sa pagkabasag o anumang leakage.

Oobligahin din ang retailers at online sellers na i-verify ang edad ng buyers sa pamamagitan ng pagpapakita ng anumang government ID na may larawan, edad, o petsa ng kapanganakan.

Ipagbabawal din ang sale at distribution ng lahat ng uri ng e-cigarettes na 100 metro ang layo mula sa mga paaralan, playground o mga lugar na madalas na binibisita ng mga menor de edad.

Facebook Comments