Iginagalang ng Malakanyang ang pasya ng Commission on Elections (COMELEC) na i-review ang kanilang ipinatutupad na campaign guidelines dahil bumababa na ang kaso ng COVID-19 sa bansa.
Ayon kay acting Deputy Presidential Spokesman Kristian Ablan, hindi sila makikialam sa mga panloob na usapin ng komisyon basta masiguradong hindi ito sasalungat sa mga resolusyon at alituntunin na inilabas ng Inter-Agency Task Force (IATF).
Batay sa ipinalabas na guideline ng COMELEC, dapat sundin ng mga kandidato partikular ang mahigpit na pagbabawal sa personal contact gaya ng pakikipagkamay, selfie at pagpasok ng mga kandidato sa bahay ng mga botante.
Para naman sa mga organizer ng motorcade, campaign rally at iba pang maramihang pagtitipon na may kinalaman sa pangangampanya, nais makatiyak ng COMELEC na nasusunod ang social distancing at ang pagsusuot ng face mask ng mga dadalo sa mga aktibidad.