Tahasang kinokondena ng Palasyo ng Malakanyang ang nangyaring panibagong pagsabog sa Cotabato at Maguindanao.
Sa nasabing pag atake 22 ang sugatan kabilang ang 8 sundalong nagpapatrolya linggo ng gabi.
Ayon kay Chief Presidential Legal Counsel & Presidential Spokesperson Salvador Panelo bigo ang lahat ng gustong maghasik ng lagim at magpalaganap ng takot dahil paniguradong matutukoy ang mga nasa likod nito at sila’y mapaparusahan sa ilalim ng batas.
Kasunod nito hinihikayat ng Palasyo ang publiko na manatiling alerto at maging vigilante at agad i-report sa mga awtoridad alinman o sinumang kahina-hinala.
Tiniyak din ng Malakanyang na tuloy tuloy ang ginagawang imbestigasyon hinggil dito.
Sa kasalukuyan, wala pang grupo ang umaako sa naturang pagsabog.