Hinarang ng Mandaluyong City Regional Trial Court ang pag-take over ng MORE Electric and Power Corporation sa asset ng Panay Electric Company o PECO.
Ito ay makaraang katigan ng Mandaluyang RTC Branch 209 ang petisyon ng PECO na kumukwestiyon sa ilang probisyon ng Republic Act No. 11212 na nagkakaloob ng prangkisa sa MORE para sa pag-o-operate ng distribution system ng kuryente sa Iloilo City at lalawigan ng Iloilo.
Idineklara ng korte na na unconstitutional ang Section 10 at 17 ng kinukuwestiyong batas dahil labag ito sa karapatan sa equal protection at due process ng PECO.
Binibigyang daan ng dalawang probisyon ang pag-take over ng MORE sa distribution asset ng PECO.
Ayon sa korte, walang obligasyon ang PECO para magbenta ng asset nito at ang respondent, wala namang karapatan na kunin sa pamamagitan ng expropriation ang asset ng PECO.
Mahalaga anila na tiyakin na ang karapatan ng PECO sa mga asset nito ay protektado.
Una nang kinuwestiyon ng MORE ang hurisdiksyon ng RTC sa kaso dahil bawal sa mga mababang korte na pigilin ang mga proyekto ng gobyerno, sang-ayon sa Republic Act 8975.
Pero ayon sa korte, ang pagkwestiyon ng MORE sa kanilang kapangyarihan ay may bahid ng bad faith at desperasyon.