Pag-upo sa 19th Congress ni dating COMELEC Commissioner at P3PWD Party-list First Nominee Rowena Guanzon, kinontra

Kinontra ni Duterte Youth Party-list Representative Drixie Mae Cardema ang apela ni Kabataan Party-list Representative Raoul Manuel sa Liderato ng Kamara na paupuin na ngayong 19th Congress si dating Commission on Elections (COMELEC) Commissioner at P3PWD PL First Nominee Rowena Guanzon.

Sabi ni Cardema, may sabwatan umano sa pagitan nina Manuel at Guanzon at hindi pa rin nareresolba ang usapin ukol sa kinukwestyong “substitution” sa naturang party-list.

Diin ni Cardema, hindi totoo ang inihayag ni Manuel sa privilege speech na naka-assume na bilang kongresista si Guanzon noong June 30 dahil malinaw na may Temporary Restraining Order o TRO ang Korte Suprema.


Sagot naman ni Manuel, kung may isyu si Cardema sa kaniyang privilege speech, sana raw ay dumalo na lang ito sa sesyon upang makipagdebate sa kanya.

Binanggit din ni Cardema na noong Hulyo, ay pinagharap si Guanzon ng “indirect contempt” dahil sa pahayag sa publiko na siya ay isa nang kongresista.

Paliwanag ni Cardema, kaya hindi makaupo ang P3PWD Party-list sa Kongreso ay dahil sa gulong nilikha umano ng biglang palitan ni Guanzon ang ang first nominee nito na si Grace Yeneza.

Facebook Comments