Iginiit ng Department of Education (DepEd) na tanging ang Executive Branch lamang ang makapagdedesisyon hinggil sa mga panawagang ipagpaliban at i-urong ang pagbubukas ng klase.
Ayon kay Education Secretary Leonor Briones, mayroong bagong batas kung saan binibigyan ang Ehekutibo ng awtoridad na makapagpasya sa school opening sa ilalim ng rekomendasyon ng kagawaran, na siyang magiging basehan ng desisyon ng Pangulo.
Ang tinutukoy ni Briones ay ang Republic Act No. 11480 na pinirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte nitong Hulyo kung saan binibigyan siya ng kapangyarihan na magtakda ng bagong petsa ng pagbubukas ng klase sa harap ng state of emergency.
Dagdag pa ni Briones, ang DepEd ay mayroong calendar of activities kung saan sa unang linggo ay magkakaroon lamang ng orientations.
Binigyang diin ng kalihim ang learning continuity.
Sa rekomendasyon ng Department of Health (DOH) at ng Inter-Agency Task Force (IATF), walang isasagawang face-to-face classes sa pagbubukas ng School Year (SY) 2020-2021 sa August 24 at ipatutupad ang blended/distance learning approach.