Ikinalugod ng Department of Tourism (DOT) ang Proclamation No. 90 ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na nag-uurong sa ilang holidays sa 2023 para magkaroon ng mas maraming long weekends.
Sinabi ni Tourism Secretary Christina Frasco na mahalaga ang hakbangin na ito para mapalakas ang domestic tourism.
Ito ay dahil magkakaroon ng mas mahabang oras sa tourist destinations ang mga Pinoy at magbibigay ng benepisyo sa ekonomiya ng mga lokal na pamahalaan.
Sa pamamagitan din aniya ng proklamasyon ay magkakaroon ang mga Pilipino ng mas maraming oportunidad para makapagpahinga, makapag-recharge at magkaroon ng quality time sa kanilang pamilya
Sa ilalim ng Proclamation 90, magkakaroon ng siyam na long weekends sa 2023.
Samantala hindi naman pabor ang Employers Confederation of the Philippines o ECOP sa bagong listahan ng mga holiday.
Masyado na umanong maraming holiday sa bansa na tiyak makakaapekto sa mga manggagawang arawan ang suweldo o ‘no work, no pay.’