Manila, Philippines – Naging mabilis ngayon ang andar ng andas ng Itim na Nazareno para sa taunang Traslacion.
Kaninang alas 11:20 ng umaga ay pa-akyat na sa Jones Bridge ang andas kung saan punong-puno na ng mga deboto ang tulay.
Alas 5:08 ng umaga nang dahan-dahang umusad ang andas mula sa Quirino Grandstand.
Sa una ay halos hindi makagalaw ang andas dahil sa dami ng mga deboto na sumasalubong.
Marami sa mga deboto ang nagpumilit na makalapit sa Poong Itim na Nazareno habang ang iba ay inihahagis na lamang ang kanilang mga puting panyo at towel sa mga hijos para maipunas sa Itim na Nazareno.
Bagama’t mas maaga at mabilis ngayon ang pag-andar ng andas kumpara noong taon hindi pa rin tiyak kung magiging maaga ba ito sa pagbabalik ng Itim na Nazareno sa Quiapo Church.
Noong nakaraang taon ay umabot sa mahigit 22 oras ang Traslacion bago tuluyang makapasok ito sa Quiapo Church.