Pag-usad ng Cha-Cha sa kongreso, hindi para manatili sa kapangyarihan si Pangulong Duterte – Malacañang

Pinalagan ng Malacañang ang alegasyong desperadong tangka ng administrasyon ang pagsusulong ng Charter change (Cha-Cha) para manatili sa kapangyarihan si Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, walang kinalaman ang pangulo sa paggulong ng Cha-Cha sa Kongreso dahil ito ay hurisdiksiyon ng mga mambabatas.

Aniya, walang mungkahi o plano na palawigin ang termino ng pangulo at ang mga kritiko lamang ang nag-iisip nito.


“Wala pong basehan iyong sinasabi na mayroong desperadong tangka para mapanatili sa kapangyarihan. Hinding-hindi po mananatili bilang presidente si Presidente Duterte beyond his term of office in June 30 of next year,” ani Roque.

Giit pa ni Roque, ang taumbayan ang magpapasya kung aaprubahan ang mga isusulong na amiyenda sa Konstitusyon dahil idadaan ito sa plebisito para makuha ang opinyon ng publiko.

Facebook Comments