Pag-utang ng LGU Nagtipunan na P763 milyon, Mainit na Tinalakay ng Provincial Board

Cauayan City, Isabela- Mainit na tinalakay ng mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan ng Quirino ang usapin sa pag-utang ng LGU Nagtipunan na P763 milyon mula sa LandBank of the Philippines (LBP) na laan umano sa ilang proyekto.

Isa sa lumutang na usapin ay ang kung sino ang karapat-dapat na nakapirma sa certificate of ancestral domain land title ng sikat na pasyalan na Landingan View Point.

Sa panayam ng iFM Cauayan kay Atty. Tomas Baccac, SP Member, hindi sya tutol o sinumang mga kasamahan n’yang Board Member sa ginawang hakbang ng LGU Nagtipunan subalit ang ginagawa nilang pagkwestyon sa ordinansa ay naaayon sa batas bago pa man ito tuluyang aprubahan.


Ayon pa kay Baccac, 9.45 kilometers na daan ang bubuksan ng LGU na popondohan umano ng P127 milyon bagay na kanyang kinuwestyon kung bakit tila maigsi ang gagawing road opening sa ilang bahagi ng bayan.

Giit pa ng opisyal, tanging kapangyarihan lang ng Provincial Board ay ang makagawa ng pinal na desisyon kung mapapaboran o hindi ang naturang ordinansa.

Base umano sa probisyon na nakasaad sa IPRA Law, kinakailangan umano na rehistrado sa NCIP ang isang lider o tribe chieftain na kabilang sa Indigenous People (IP) kung saan nakita sa Memorandum of Agreement (MOA) na walang kahit sinong pumirma na kasapi ng mga tribu.

Samantala, sinasabi rin umano ng DENR na bahagi ng Quirino Protected Area ang ancestral domain ng sikat na pasyalan sa naturang bayan.

Sa huli, sinabi ni Baccac na napakahalaga ng validity ng MOA dahil dito nakabase ang hakbang na ginawa ng LGU para mangutang sa development project ng Nagtipunan.

Facebook Comments