Nagpapatuloy ang pakikipag- negosasyon ng gobyerno para sa pagtatanggal ng ban o pagbabawal na mai-deploy sa Saudi Arabia ang mga manggagawang Pilipino.
Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni Department of Migrant Workers Assistant Secretary Venecio Legaspi na mayroon silang team na maagang pupunta sa Saudi Arabia para sa pag-aaral at konsultasyon.
Matatandaan na nagpatupad ng deployment ban ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa Saudi Arabia noong November, 2021 dahil sa mga insidente ng mga hindi binabayarang sweldo ng mga Overseas Filipino Worker (OFW) roon.
Igigiit ng gobyerno ang mga kondisyon para sa kapakanan at proteksyon ng mga manggagawang Pilipino at nais munang makuha ang commitment dito ng gobyerno ng Saudi Arabia bago tanggalin ang deployment ban.
Kahapon ay mayroong 344 mga distressed OFW ang nakauwi na rito sa Pilipinas, kasama rito ang 4 na OFW na may medical conditions at lima naman ang dumaranas ng mental illness.