Inaprubahan na ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang pagpapauwi sa labi ng daan-daang Pilipinong nasawi sa Saudi Arabia.
Ito ang kinumpirma ni National Task Force Against COVID-19 Vice Chairman at Interior Secretary Eduardo Año.
Ayon sa kalihim, hawak ni Labor Secretary Silvestre Bello III ang lahat ng detalye ukol sa pagpapauwi sa labi ng mga Pinoy.
Hindi pa rin malinaw kung kasama sa mga iuuwi ang higit 100 labi ng mga Pilipinong namatay doon dahil sa COVID-19.
Nabatid na plano ng IATF na ipalibing na sa Saudi ang mga labi ng mga Pinoy na nasawi dahil sa virus para maiwasan ang posibleng kontaminasyon dito sa Pilipinas.
Pero umapela ang pamilya ng mga OFW na maiuwi ang mga labi sa Pilipinas.
Ngayong araw, maglalabas ng official statement ang Malacañang hinggil dito.