Umabot na sa mahigit 19, 000 na Overseas Filipino Workers (OFWs) na ilang buwang nanatili sa quarantine facilites ang napauwi na ng pamahalaan sa kani-kanilang mga pamilya.
Sinabi ni Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Silvestre Bello III na kabilang sa mga ito ang land-based at sea-based OFWs.
Sa ngayon, mayroon na lamang 5,000 OFWs ang kinakailangang maihatid sa Paranaque Integrated Terminal Exchange (PITX) at Ninoy Aquino International Airport (NAIA) para sa kanilang flights pauwi.
Target ng DOLE na mapauwi sa Linggo ang kabuuang 24,000 OFWs na nakatapos ng kanilang mandatory quarantine period at pawang negatibo sa COVID-19.
Tiniyak naman ni Bello na ginagawan na nila ng paraan para mapabilis ang pagpapauwi sa OFWs sa kanilang mga probinsya at nang hindi na maulit na inabot sila ng mahigit isang buwan sa quarantine facilities ng gobyerno dahil sa tagal ng paglabas ng resulta ng kanilang COVID test.