Cauayan City, Isabela- Patuloy pa rin ang pagtanggap ng impormasyon ng bawat LGU sa mga uuwing Isabelino na magmumula sa Metro Manila o malalaking syudad at sa iba’t-ibang probinsya bilang bahagi ng Balik Probinsya Program ng pamahalaang panlalawigan.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Isabela Governor Rodito Albano III at pinuno ng Regional Development Council (RDC), kinukuha na ang datos ng mga uuwi sa Lalawigan at pinaplano na kung paano sila susunduin ng provincial government habang ang mga hindi naman uuwi sa probinsya ay bibigyan na lamang ng ayuda.
Inaasahan aniya na magdadagsaan ang mga magbabalik sa probinsya pagkatapos ng ECQ sa Metro Manila subalit tiniyak naman nito na idederetso ang mga ito sa bawat quarantine facility na inihanda ng LGU Isabela para sa kanilang 14-day mandatory quarantine.
Mamayang hapon ay nakatakdang makipagpulong ang Gobernador via zoom confenrence kay Senador Bong Go at PNP Chief General Archie Francsisco Gamboa kasama ang iba pang mga opisyal upang pag-usapan ng mabuti at higit na mapagplanuhan ang pagpapatupad sa naturang programa.
Dagdag pa ng Gobernador, tuloy-tuloy pa rin ang GCQ hanggang sa katapusan ng Mayo at titignan muli ang iba pang mga guidelines na ibaba ng IATF hanggat wala pang nahahanap na bakuna o gamot sa sakit na COVID-19.