Pag-uwi sa Pilipinas ng mga balikbayan mula sa mga bansang may kumpirmadong kaso ng Omicron variant, hiniling na ipagpaliban muna

Hiniling ni BHW Partylist Rep. Angelica Natasha Co na ipagpaliban na muna ang paguwi sa Pilipinas ng mga balikbayan mula sa mga bansang may kumpirmadong kaso na ng Omicron COVID-19 variant.

Maliban kasi sa Hong Kong at Israel ay may mga naitalang kaso na rin ng Omicron variant sa United Kingdom, the Netherlands, Germany, at Italy.

Ang mga nabanggit na bansa pa naman ay may mataas na populasyon ng Filipino migrant workers at residents na tiyak na nagbabalak magsiuwian sa bansa ngayong Pasko.


Giit ng kongresista, dapat na magawan ng paraan na masabihan ang mga balikbayan na i-reschedule ang kanilang paguwi sa bansa dahil masyadong delikado ngayon para sa kanila at sa mga pamilyang kanilang uuwian sa Pilipinas.

Paliwanag ng lady solon, mataas ang tsansa ng mabilis na pagkalat ng Omicron variant at kung makapasok ito sa bansa ay tiyak na guguho ang health care system ng bansa.

Paalala ng kongresista, ngayon pa lamang nagsisimulang bumangon ang bansa at kapag nakapasok at kumalat ang bagong variant ng COVID-19 ay tiyak na mangangahulugan nanaman ito ng lockdown at maraming kabuhayan ang muling maaapektuhan.

Facebook Comments