Pag-veto ni PBBM sa ₱92.5 bilyong unprogrammed funds, bunga ng protesta at panawagang transparency — Akbayan

Iginiit ni Akbayan Party-list Rep. Perci Cendaña na ang pag-veto ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa ₱92.5 bilyong unprogrammed appropriations sa ilalim ng 2026 national budget ay bunga ng protesta at panawagang transparency ng taumbayan.

Naniniwala si Cendaña na kung hindi nagsagawa ng mga pagkilos ang mamamayan, maaaring mas mataas pa ang unprogrammed appropriations ng administrasyong Marcos ngayong taon.

Aniya, ang una ring nagmula sa ehekutibo ay ang naunang ₱249.9 bilyong halaga ng unprogrammed appropriations na orihinal na nakapaloob sa National Expenditure Program (NEP).

Bunsod nito, tiniyak ni Cendaña na patuloy isusulong ng Akbayan ang mga panukala para sa transparency at pananagutan.

Kabilang rito ang pagbubukas sa publiko ng deliberasyon ng budget sa bicameral conference committee, paglahok ng civil society at citizens’ participation sa budget process, at pagpapatibay ng mga panukalang batas tulad ng Freedom of Information (FOI) Law, ang Open Infra Law, at iba pa.

Facebook Comments