Dahil sa matinding pinsala na hatid ng paghagupit nito, tatanggalin na ng PAGASA sa listahan ng mga bagyo ang pangalang ‘Ambo’.
Sinabi ni Aldczar Aurelio, weather specialist ng PAGASA, umabot sa isang bilyong piso ang halaga ng pinsala ng Bagyong Ambo kung kaya’t pasok ito sa kategorya ng mga mapaminsalang bagyo.
Mayroong 25 bagyo ang inaasahang papasok sa Philippine Area of Responsibility ngayong taon at si Ambo ang unang bagyo.
Sa inisyal na ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), pumalo na sa ₱1.14 billion ang inisyal na pinsala ng bagyo matapos nitong tumbukin ang Eastern part ng Pilipinas at kumilos patungong Central Luzon bago lumabas ng Northern Luzon.
Ang pag-aalis ng pangalan ng mga mapaminsalang bagyo ay ginagawa ng PAGASA mula pa noong 1979.