PAGASA, aminadong hindi nila masukat ng husto ang dami ng ulan tuwing may bagyo

Aminado ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na hirap silang matukoy ang eksaktong rainfall o dami ng buhos ng ulan tuwing may bagyo.

Sa nagpapatuloy na imbestigasyon ng House Committee on Agriculture at Special Committee on North Luzon Quadrangle, sa pagtatanong ni Marikina Rep. Stella Quimbo ay inamin ni PAGASA Administrator Vicente Malano na 50 hanggang 60 percent lamang ang accuracy ng amount ng rainfall na kanilang nasusukat.

Ito ang isa sa nakikitang dahilan sa biglang pagtaas ng baha na nagpalubog sa mga probinsya ng Cagayan at Isabela.


Paliwanag ni Malano, worldwide ang problema sa pagsukat ng accuracy ng rainfall at hindi lamang ang meteorological service ng Pilipinas ang nakakaranas nito.

Aniya, kulang ang bansa sa monitoring facilities at limitado rin ang mga lugar na mapaglalagyan nila ng pasilidad.

Pero sa ngayon ay gumagawa na ng paraan ang PAGASA dahil may anim na radars na ilalagay sa iba’t ibang lugar sa bansa na ipupwesto sa mga river basins.

Target naman ng PAGASA na gawing 65% ang forecast sa amount of rainfall sa oras na maipwesto na ang mga radars.

Pinalinaw naman ni Quimbo, kung sino ba talaga sa PAGASA at National Irrigation Administration (NIA) ang ultimate decision-maker sa pagpapakawala ng tubig sa Magat Dam.

Paliwanag ni NIA Administrator Ricardo Visaya na collaborative ang desisyon sa pagpapakawala ng tubig sa dam.

Ang NIA aniya ang nagpapakawala ng tubig sa dam pero ito ay ibabase naman sa ipinapadalang bulletin o forecast ng PAGASA.

Ang amount of rainfall at typhoon track naman ang basehan ng PAGASA para sa pag-release ng tubig sa dam.

Facebook Comments