PAGASA, umapela sa publiko na sa kanilang opisyal na social media pages kunin ang impormasyon sa lagay ng panahon

Umapela ang PAGASA sa publiko na makabubuting sa kanilang mga opisyal na social media pages kunin ang impormasyon sa lagay ng panahon.

Ito ay upang maiwasan ang anumang pagkataranta ng mga kababayan natin lalo na ang mga tinamaan ng Bagyong Odette na hanggang sa ngayon ay hindi pa nakakabangon.

Partikular na tinutukoy ng PAGASA ang Low Pressure Area (LPA) na nasa karagatang pasipiko at masyado pang malayo.


Sa paglilinaw ni Dr. Vicente Malano, ang administrator ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), nasa 30% hanggang 40% na mabuo ang LPA sa isang tropical depression.

Posibleng pumasok ang bagyo sa Philippine Area of Responsibility o PAR sa December 23 o 24.

Lalapit sa kalupaan ang sama ng panahon sa gabi ng December 25 o umaga ng December 26.

Dahil dito, makabubuting maghanda, patuloy na mag-monitor sa dagdag na impormasyon at maging mapanuri sa mga hindi beripikado impormasyon.

Inilalabas aniya ng PAGASA ang kanilang mga impormasyon mula sa kanilang Twitter account, Facebook account, at YouTube.

Nauna ng kumakalat sa online maging sa iba pang mga social media ang pagtama ng isang LPA bago ang Kapaskuhan at makakaapekto sa mga taga-Mindanao.

Facebook Comments